Mabuhay Panagbenga! KULASA! KULASA! (Tagalog Post)

Nagniningning na Ngiting Tagumpay



Kakasimula pa lamang ng taon ay ito na kaagad ang iniisip ng lahat ng mga estudyante sa paaralan ng St. James Academy. Iniisip na nila kung sino ang mga manlalaro na isasali sa mga laro at kung sino ang magiging koreograpo ng sayaw. Itong pagdiriwang na ito ay tinatawag na 'intramurals'.

Mula noong Pebrero 3 hanggang Pebrero 7 ng taong 2014 ay naganap ang taun-taunang paggugunita ng larong pampalakasan at pangkatawan sa mataas na paaralan ng St. James Academy sa lungsod ng Malabon.

Sinalubong itong kaganapang ito noong Pebrero 3 nang nagsagawa ng parada sa paligid ng labas ng paaralan. Matapos ang nasabing parada ay nagtipon-tipon ang lahat ng mga estudyante sa ikalawang dyim ng paaralan at dito sinimulan ang kasiyahan.

Ang unang laban ay naganap sa araw din na ito. Ang paghaharap na ito ay para sa lakambini at lakandiwa ng bawat pangkat sa mataas na paaralan. Sa kasawiang palad ay hindi ang lakambini o lakandiwa namin ang nanalo sa patimpalak na ito. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi kami masaya para sa mga nanalo. Labis naming pinupuri at binabati ang mga nagtagumpay sa laban na ito.

Hindi naman kami nawalan ng pag-asa. Lalo na't sa buong linggo na ito ay pursigido kami, hindi para manalo sa mga larong pampalakasan, kung 'di sa dance festival competition na magaganap sa huling araw ng pagdiriwang na ito. Kung kaya lagi-lagi, tuwing uwian, ay walang sawa kaming nageensayo para maging perpekto ang ipapalabas namin. Hindi naman ganoon lamang ang aming determinasyon. Ginagawa din namin ito dahil alam naming ginusto namin ito at sinimulan na naming gawin ito. At dahil rin sa hindi namin ikinahihiya ang aming ipapakita na sayaw alay sa Panagbenga Festival.

Dahil sa determinasyon namin na ito, hindi naman kami nabigo at nanalo kami sa kauna-unahang pagkakataon sa isang buong linggo na naganap ang pagdiriwang na ito. Hindi rin namin ito inaasahan pero napakalaking saya ang natamo ng bawat isa sa amin nang malaman namin na kami nga ay nagtagumpay sa tagal ng aming pag eensayo tuwing uwian at dahil rin ito sa suporta ng aming guro na gumagabay sa amin palagi na si Bb. Prado.

Ang kinatatakot ko lang ay sa susunod na taon, hindi ko na makakapiling ang mga kaklase ko ngayon dahil maghahalo-halo muli ng mga pangkat pagdating ng Baitang 9.

Comments

Popular Posts