"Di ka maganda."

Diary ng Panget Movie Trailer

Mga opinyon ko tungkol sa trailer at sa upcoming movie.(Post-Movie Review)


Habang ako ay nagsasaliksik ng pwedeng i-'like' at pwedeng mapaglagyan ng 'comment' sa Facebook ay nakakita ako ng isang 'post' mula sa Viva Films page na ipinapahayag ang buong bersyon ng trailer ng "Diary ng Panget Movie" na hinango sa isang 'series' ng libro na ginawa ni HaveYouSeenThisGirl sa Wattpad o mas kilalang si Ate Denny. Naintriga ako nang makita ko ito dahil nakita ko na ang maiksing bersyon nito. Labis kong ikinatuwa nang mapanuod ko ang unang bersyon dahil, hindi lang ito nagbibigay ng excitement, nagpapakita pa ito ng dahilan para panuorin ng mga tao. At ngayong napanuod ko na rin ang ikalawang bersyon (na tinatawag ding full trailer) ay mas lalo akong nagalak. Ipinapakita na dito ang mas marami pang impormasyon tungkol sa pelikula ngunit hindi naipapakita ang mga importanteng detalye na sa pelikula lang dapat malaman.

Paborito kong parte sa full trailer ay noong nasa kwarto sina Cross at Eya. Ito ang panahon na bagong ayos ng itsura si Eya. Nang papaalis na si Cross ay napaamin ito na maganda na nga si Eya dahil sa make-over na nakuha niya. Pero ang parte talaga na labis-labis ang pagkakakilig ko ay ang sa bandang dulo ng maiksing palabas. Ito ay yung umuulan at niyakap ni Cross si Eya dahil binibigyan niya ito ng body heat. Doon din ay sinabi ni Cross kay Eya ang saktong mga salita na ito: "Wag kang maarte. Hindi ka maganda." na labis kong kinakiligan.

Si Nadine Lustre ang gumanap bilang Eya at si James Reid naman ang gumanap bilang Cross. Marami ang ayaw sa tambalan ng dalawang ito dahil sinasabi nilang bago pa lamang sila at hindi nila alam kung paano umarte si Nadine. Ngunit base sa aking panunuod sa mga trailers ay nakakatuwa naman siyang panuorin at sa palagay ko, bagay sa kanya ang role ni Eya. Noong una rin ay hindi ko siya nagustuhan dahil hindi ko siya kilala. Pero ika nga ng iba "Change is constant. It would be nice for a change once in a while."

Sa kabuuan, naaliw ako sa mga ipinakita nilang pakulo at patuka sa atin bago natin panuorin ang book series-based movie. Masasabi ko na nakaka excite tuloy panuorin ang Diary ng Panget Movie (kahit na hindi ako natuwa sa ending ng libro).

Comments

Popular Posts